May isa akong kakilala, house wife sya at nanay sa dalawang batang parehong pumapasok na sa eskwelahan. Nagbitiw sya sa trabaho (‘hindi naman kalakihan ang kita’), sa kadahilanang gusto nyang matutukan ang kanyang mga anak (‘madalas sila magkasakit’) na maliliit pa.
Mayroon syang maliit na negosyo na inilalako nya sa mga kaibigan at kapitbahay.
Si mister ang punong tagapagbigay nang halos lahat nang bagay na maibibigay nang pera.
Isang araw, kinagabihan matapos kumain at habang sya ay nagliligpit, pinuna ni mister ang estante: ‘tignan mo itong estante, ang dumi dumi na’. Binigyan nya nang sulyap ito, at inisip—kung paano, bukod sa pagwawalis araw araw nang may kalakihan nilang bahay, maisasama nya ang estante. ‘Tignan mo o...ano ba ang ginagawa mo dito sa bahay?’ dagdag nang haligi nang tahanan. Natigilan sya sa pag iisip, di mawari kung paano tatanggapin ang sinabi nang kabiyak na nagtutustos nang lahat nang pangangailangan nila. Naisip nya ang araw araw na kailangan nyang gumising nang maaga, para ipaghanda ang almusal nilang mag anak, para masigurado na may isusuot na damit si mister, at para mapakain ang panganay nya (‘na matagal ngumuya at matapos’) na pang umaga.
Ihahatid nya ito sa gate (kasama si bunso) nang eskwelahan matapos usisain kung natapos ba nito ang kanyang takdang aralin kagabi. Pag balik nang bahay, si bunso naman ang aasikasihun—paliliguan, sisiguraduhing kumain nang madami, naka-dumi na at ihahanda para sa pang hapon na klase. Mag-aayos sya nang bahay, na sa araw araw na ginawa nang diyos ay may kalat ng mga laruan sa sahig-- mga pinag gupitan na papel, at kung ano ano pang maaring matapon na malagkit o madulas. Pagkatapos ay ihahatid nya si bunso sa eskwelahan ('malapit lang naman'), at susunduin naman si ate sa kabilang eskwela. Magsasabi si ate sa kanya na kung maaari ay huwag na syang sunduin dahil malaki na sya. Oo, sya na pitong taong gulang ay malaki na, at hindi sya maaaring ma disgrasya sa pagtawid ng kalsada, o malapitan nang masasamang loob.
Uuwi sila nang bahay, at magwawalis sya. Madalas syang makipag usap sa telepono habang sya ay nag iimis. Iniaalok nya ang paninda nya sa mga kaibigan, kung hindi naman ay nakikipag kwentuhan sya sa mga taong interesadong malaman kung ano ang kalagayan niya.
Maiinis si ate dahil mauutusan nya itong magligpit nang iba pang kalat. Magwiwika sa ate na pagod sya, at ibabaling ang katamaran sa pagbababad nang nanay nya sa telepono. ‘Mama, kanina ka pa nakikipag tsimisan, tapos ako ang uutusan mong magligpit’. Nagpanting ang tenga nya. Narinig na nya iyong tono na yon dati. Sa asawa nya. Ang asawa nyang magaling na wala nang ginawa kung hindi sumang ayon sa lahat nang sasabihin nang anak nya, sa kadahilanang ayaw nyang makipag talo:
Pag sya ay ‘hindi puwede’, si mister ay ‘Sige lang’.
Pag sinabi nyang tapusin ang takdang aralin at irarason ni ate na pagod na sya (at ipapahinga nya ang mata sa pamamagitan nang panunuod nang telebisyon), sasang ayon si mister kay ate. Hindi na tuloy naniniwala si ate sa kanya, at ang huling salita ay kay itay.
Bakit nga naman sya ang masusunod, eh hindi naman sya ang nagpapakain sa kanila?
Hindi naman sya ang nagpapakahirap sa pagtatrabaho (na ayon sa mga kalalakihan na de pamilya ay ang tanging paraan para makaiwas sa responsibilidad sa bahay) at pagkita nang pera?
Bakit, ano ba sya?
‘Bakit, ano ba ako? Katulong nyo ba ako?’ nagbalik ang kanyang diwa sa pang-kasalukuyan.
‘Porke’t hindi ako ang kumukita nang pera, wala na ba akong karapatan magpahinga—o masunod?’
Natigilan ang buong bahay, ngunit pang samantala lamang.
‘Sige, tignan ko lang, pag nawala ako. Kung hindi gumuho ang mga mundo nyo. Gaano ba ka 'di importante itong ginagawa ko, at kailangan akong kastiguhin at maliitin? ’
Hindi sya nagsalita muli, at nanahimik nang tuluyan.
Basa pa ang mga sampay. Bukas nga pala—anong ulam?