Hindi inaasahang matutuwa ako sa bagay na di ko kilala—tulad nito.
Plastic, mura--chipipay kumbaga.
Walang zoom, ISO check, sharpness, atbp.
Sa panahong lahat ng bagay ay pwedeng ‘perfect’ at di-metro,
Aanhin mo ang di mo alam, at di garantisado?
Siguro dahil ang buhay ay nakasalalay sa mga lente...
Sa mga bagay na di sukat, at di permanente
Bago mo pa naitaas, mai anggulo ang viewfinder mo,
Sandaang segundo ang dumadaan, tuloy ang ikot ng mundo.
Eh ano kaya kung isang araw,
Maburyong ka sa eksakto—
And bagay na perpekto’y nag iba sa paningin mo
Naisip mong madami pang bagay na maganda
Na di kailangang ‘perfect’—pero ‘iyo’, at kakaiba
(Iginapang mo, itinutok mo, hinintay mong mai-develop,
Bukod dun, iwi-wish mo pang mag-black yung mga sulok (vignetting. Haha)...
Ano bang kasayahan ang dinadala nito?
Nitong bagay na hindi mo alam kung magiging okay o luko luko?)
Hindi ba’t mahusay din na di tayo pare pareho?
Pagka't may kanya kanya tayong lente...
Patingin nga ng iyo?
Patingin nga ng iyo?
No comments:
Post a Comment